“Huling bakasyon ko na ito! Uuwi na ako for good sa isang taon; may naipundar na. Bakit naman ako mananatili sa abroad kung pwede namang mabuhay nang maayos kasama ang pamilya?”, masayang bungad ni Reuben sa kaibigan habang nag-aayos ng maleta.
Bago magbitiw ng salita si Arnel, bumuhos na parang tubig na may yelo as ulo niya ang narinig. Heto siya, magwa-walong taon na sa Dubai pero wala pang napundar kahit na lupa sa paso. “Pare, masaya ako para as iyo,” pilit na sambit in Arnel sabay dagdag, “Talaga, isang taon na lang? Ano na ba ang napundar mo doon sa Pinas?” Pinipilit ni Arnel igiit sa isip na hindi inggit ang kanyang nararamdaman kundi purong pagtatanong lamang. Sagot ni Reuben, “Masinop si Misis. Akalain mo, sa padala kong P10,000 buwan buwan, nakakaya niyang magtabi ng P3,000 para unti-unting makapagtayo ng poultry. After 6 years, eh meron na kaming abot sa 10,000 na manok bukod pa sa maliit na tindahan na may kapirasong bigasan. Ewan ko, paano niya pinalago yun! Tapos pala, yung gratuity ko naman, ida-dowpayment ko sa tricycle. Di ba ok na ‘yun”. Pilit ang ngiti ni Arnel, naiinis sa sarili dahil hindi magawang magsaya nang todo para sa kaibigan. Nauunahan kasi siya ng tanong sa sarili, “Bakit ako wala pang naipon, gayung mas matagal na ako sa UAE?” Napansin ni Reuben na tahimik ang kaibigan. “Alam mo Arnel, dati, madalas akong mahiya sa mga barkada sa trabaho dahil hindi ako makasama sa mga gimik dahil nga nagtitipid ako. Pero, mabuti talaga na nagtipid ako. Isang taon na lang makakauwi na ako for good!” Tahimik pa rin si Arnel. Dugtong ni Reuben, “Ikaw pala, may plano ka bang umuwi na for good sa Pinas?” “Oo naman,” mabilis na sagot ni Arnel, bagamat sa isip niya ay umuukilkil ang hindi matapos tapos na utang sa dalawang credit cards, mga utang na nawaldas niya lang sa pyramid scheme at sa luho niya sa electronics, sapatos, at gimik. “Kelan?” dugtong na tanong ni Reuben. Napatitig nang matagal si Arnel kay Reuben. Hindi niya alam ang nararamdam – naiinis ba siya sa kaibigan na naglantad ng kawalan niya ng direksyon sa buhay --- o nasisilaw lang ba siya sa liwanag na dumadapo sa isip niya? Sabay ring naman ng mobile nya. Tumatawag ang barkadang si Joseph. Nag-alintana si Arnel na sagutin ang tawag. Tumingin sa langit at huminga nang malalim. “Hello, Joseph”. Pasensiya na. Hindi ako makakasama sa inuman mamaya. May gagawin akong importante. Sensya na, ha.” Nakatingin na naman si Arnel kay Reuben, hindi kumukurap. “Huy, anong iniisip mo? Nakatitig ka na para kang na matanda!” “Ano yung importanteng gagawin mo mamaya?”, pag-uukilkil ni Reuben. Ngumiti si Arnel. Hindi na sumagot. Sumaludo na lang kay Reuben at biglang tumakbo paalis.
0 Comments
Leave a Reply. |
Archives
January 2021
Categories |